Looking For Anything Specific?

Premieres and Encores: Limang Mukha ng Pagkawala

Napakahirap humanap ng kasama lalo na kung nag-iisa sa buhay at malayo sa mga kaibigan at kamag-anak.

Wala kang biglaang mayayaya, lalo’t alam nang lahat na hindi ka naman nakaririwasa, buti na lamang kamo at libre ang palabas. Pamasahe’t pagkain na lang ang aalalahanin.

Lalo nang mahirap kung gabi ang lakad, alanganin ang pupuntahan, at isang dance concert ang papanoorin. Parang ballet, sa gitna ng kawalan ng CCP, sa Sabado ng gabi.

Kinailangan ko pang magsanla, at baka kulangin at kailanganing magtaxi, kung biglang uulan o walang masasakyan. Sa MOA pa naman, ispesyal lahat ng taxi at pati electric bike ay baka-minimum ng 250 pa-Baclaran!

Wala akong sasakyan, kaya kailangang sunduin ko ang kaibigan sa MOA, maghapunan muna par di magutom sa panonood, at pumila sa terminal ng dyip papunta ng World Trade.

Hindi ko naman inakala na bagama’t puno ng tao ang PhilConstruct sa World Trade at halos kanto na ito ng likuran ng Star City ay isang mahabang basang kalye ng kadiliman ang kailangang pasukin.

Oo, papasukin mo ang dilim na ito habang nagdadasal na walang biglang bubulaga sa iyong masamang loob, manhole na lalamon sa iyo, o bako na titisod sa iyo sa pagmamadaling kakapakapa. Hindi na ako nakakakita nang malinaw sa gabi, kaya dobleng pagsubok ito.

Pagsugod sa dilim at bingit ng panganib

Ito ang UNANG pagkawala.

Magandang may kasama, ngunit okay din na mag-isa, pero para ano pang pampublikong pagtatanghal ang dadaluhang nag-iisa, sa gabi, hindi naman pista?

Ako lang ito, nagkakaedad na rin, maraming iniinda, ngunit may gustong mapanood nang may kasama. Ngunit sa panahong pamilyado na’t may mga iskedyul na sarili ang mga kakilala, hindi madaling mabalik sa radar nila nng hindi sasadyain at paglalaan ng panahon.

Hindi pwede ang ora-orada. Kaya naman itong dance performance na ito ay naipasok ko rin sa kalendaryo ko.

Dapat nung nakaraang Sabado pa ito pero binagyo. Hindi ko kasi kayang humabol sa opening gala noong Biyernes dahil manggagaling ako sa Ayala at imposibleng makasakay nang mabilis o madali. Bawal masobrahan sa stress ang puso at presyon ko.

Wala pa rin naman din akong nahahagilap na mayayaya. Kala ko’y di na matutuloy hanggang magriset ng iskedyul. Abala rin sa mga gawain sa trabaho, kaya madaling mawaglit sa isip. Abala rin sa mga gawaing bahay, kay Boogie, mga labada, mga ligpitin, mga bayarin, kaya hindi naman kawalan kung tutuusin, pero bihira rin naman makatisod ng libre.

Paghanap sa tinig

Kahit oras ay hindi libre kahit bakasyon o walang pasok. Ito ang IKALAWANG pagkawala. Natabunan na sa ilalim ng gawain at napag-iwanan ng panahon. Hindi sa gusto ko pang humabol o sumabay, masaya na akong ginagawa ng makakaya at makapagpahinga.

Sa dami ng gawain, napupuno ang oras sa mga bagay na may kakabit na gastos para makamit, mairaos, maitawid.

Pamasahe pag papasok, renta sa kwarto, pang-igib ng inumin, pampalasa dahil si ko na kayang tumayo o umupo nang matagal lalo’t may ginagawa ng kamay gaya ng paghuhugas o pagkusot, pambili ng pagkain, panustos sa gamot.

Sa suma tutal para dito, trabaho ang katapat para mabuhay. Sa trabaho oras na bayad ang gawa, lakas mo at ideya ang kapalit ng pag-iral.

Sabi nga sa unang bilang, kailangang hanapin ang tinig at may katuturan lang ang tinig kung may makikinig.

May saysay ang palabas kung may manonood, ang panonood kung may kasama, ang reaksyon kung may katabi, mas magandang kakilala, na kabahagi sa pagdanas. Pwede ring makipagkilala, ngunit napaglipasan ko na ito.

Hindi rin naman ako masalita o makwento, kailangan lang talaga ngayon dahil mabigat sa dibdib na may sasabihing nabibinbin na parang tinapay sa lalamunang walang kapeng panulak.

Paghagilap sa makikinig

Ito ang IKATLONG pagkawala. Hindi ka maririnig kung walang sasabihin at ano namang masasabi kung walang mabuting masasabi o ibabahaging kapupulutan ng kahit anong kabuluhan.

Gaya ngayon, nasaan na ba ako? Sa dilim, sinusubok kong aninagin sa kinauupuan ang mga galaw at kulay sa entablado. Nagbago na naman kasi ang grado ng mata ko gawa ng diabetes at/o ng katarata. Hindi rin kayang hulihin nang malinaw ng kamera ng telepono ko ang mga indak at indayog sa kalayuan.

Naka dalawang palit ako ng salamin, pang malayo dati na naging reading glass na ngayong night glasses kahalili ng reading glass na naging distance glass na malabo na rin para sa parehong gawain. Hindi man ako ang naglalaho, nagiging aninag naman ang pinanonood.

Ang maganda, sa R-103 dama ko at napaiindak ako sa musikang isinasayaw ng mga artista, dama ko ang init at lamig ng pagpapalit ng kulay na para ba isa itong tauhang makapangyarihan at nakapangyayari sa takbo ng kwento ng sayaw.

Ang lalaking nakaupo sa sopa ay butil ng liwanag lamang, ngunit liwanag na may dahas sa iringan ng muwestra nila ng babaeng iniibig.

Madrama, melodrama, masakit sa dibdib, maraming higit hanggang sa buhatin ng babae ang lalaki nang patiwarik!

Pagharap sa sarili

Wala akong relasyon at di ako naghahanap, at ito ang IKAAPAT na pagkawala. Sa mundong nahuhumaling sa asawa at jowa at nakasandig sa pagpapamilya, hindi ako kasali sa sapot ng mundong ito. Tila, wala na ring aalagaan kundi ang sarili at ang nag-iisang kuting na tagapagmana ng buhay kong soltero.

Lahat ng sayaw na sumunod, isang antolohiya ng mga musika’t awiting Bisaya, na bagama’t bahaghari ng emosyon at indayog, indak at sindak, tulak at kqbig, kulay at galaw, ay lahat simponiya ng mga relasyong komunal.

Pagsasama-sama ng marami para magrelaks pagkatapos ng isang araw na paggawa, tuksuhan at kulitan; ligawan, na hindi na lamang isa sa isa kundi ang panig ng babae at ang panig ng lalaki, pamikya nila at kaibigan; ang pagkamatay ng iniibig, kunsaan pumapaimbabaw ang markang iniwan ng lumisan sa alaalang naiwan sa iba; at, ang pagkasabik ng Pinoy sa masarap na salosalo, lalo ng mga bawal at nakakaaltapresyon gaya ng matabang alimango, na ang pagkasabik ay higit sa pagkain kundi sa panghuhili sa pagkaing pagsasaluhan.

Kung hindi pa dahil sa pakikipambuno ng dalawang magkumpare, pwede ring kambal o sarili at kanyang anino, sa bote ng nakalalango’t nakapagpapalimot na inumin ay hindi ko makikita ang sarili.

Nawawala man ay paminsang nasusumpungan sa salamin, nakikita sa repleksyon sa iskrin ng monitor o nakapatay na telebisyong tila-zebra na sa dami ng guhit sa dalas ng pagkabagsak, sa repleksyon sa tubig sa inidoro o balde.

Kung hindi pa dahil sa isang kaindak-indak na solo performance ng Si Filemon ay baka nagliwaliw na sa panlulumo ang damdamin at dinalaw nang hika. Natuwa akong may nakasama ako ngayong gabi, na hindi inantok at giliw na giliw rin sa palabas. Intermisyon.

Lumabas sandali, ngunat ng kutkutin, lumgok ng sopdrink, isang lagok lang at bawal, juminggel at saka nagbalik sa teatro.

Pakikipagtuos sa pandemya

Ngunit ang sandaling kaligayahan nang pagbalik sa sarili at sa sandali ay pinutol ng intermisyong isa palang paghahanda sa IKALIMANG pagkawala: ang bagong kalaguyo ng makabagong panahon—ang Pandemic.

Ang kakatwa sa ikalawa at huling pagtatanghal sa gabing ito ay dinala lahat sa isang mundong mala-gubat, mala-ibang planeta, mala-bangungot, kung saan ang mga tauhan ay para-parang tribo, hayop, o virus: walang pagod sa paghangos at paglukso sa pinalaking pinalawak na entablado, tatakbo-takbo, bubuhat-buhat, nagpupuyos.

Nawawala ako sa tindi ng lakas at istamina at determinasyon ng mga mananayaw na simbolo na ngayon ng personal na pakikipagbuno sa sakit.

Nawawala ako sa mahika ng isang mundong kapwa loob ng katawang puno ng tunggalian ng resistensiya at panghihina at sa labas ng katawang sumasabak sa impeksyon alam nating walang sinasanto, pinipili, una-una lamang.

Ngunit binabalik ako sa katotohanang sa kabila ng pagkakaroon ng chronic na karamdaman ay naririto pa ring namamangha sa nakapangingilabot na pagbuga ng niyebe o konfeti o bula o ulan para linisin ang kaguluhan sa naratibo—at, unti-unting iwan ang kaluskos at hiyaw sa kawalan.

Nawawala ako sa kalakhan ng kaganapan ng mundong ginagalawan, kunsaan ang isang puwing ng alikabok gaya ko ay imposibleng mapansin, matukoy, mabilang. At ito, siguro, ang ugat ng panunupil.

Kapag sinimulang burahin ang sarili, sa kabila ng natatangi nitong kakanyahan, kalakihan: Sino pa nga ba ang isa kundi ang isa, ikaw kundi ikaw?

Nasa butil na ito, kung tutuusin sa pinakamaliit na partikulo, ang kapangyarihan—lalo na kung ang bawat isa’y mahahati nang sabay-sabay at magpapakita ng-gilas o magwiwika.

“Di kami pasusupil, di kami pasisiil!”

Sama-samang pagbalikwas

Iyan ang nararamdaman ko sa pagwawakas ng pagtatanghal.

Ngunit ang nasa isip ko ay iba, lamps na ako ng oras ng pagtulog, uuwi pa ang kasama ko’t baka mahirap ang sumakay, mag-isa sa kwarto ang kuting kong si Boogie na wala pang kinakain, at huwag sanang umulan ulit.

Tapos na ang magarbong pagsasadula ng buhay, at anumang gawing panonood at papapaliyab ng damdamin, lalabas muli kaming walang bitbit o baon bukod sa sandaling pahinga, sa lamig at kutsong wala sa babalikang uwian.

Nakangiti sa bagong napanood, masaya. Hindi na ito pagkukwentuhan o babalikan, pero mananatili ang alaala.

At ang tatlong ito: saglit na pahinga at panandaliang tuwa at magandang alaala ay sapat na.

Paglaya na ito bitag ng pagsupil sa mga kauring ang sining gaya nito ay luho at ang oras ay tali sa trabaho.

Pagbalikwas ito saglit sa araw-araw, at kung laging libre ay sana maulit. At maulit, kahit linggo-linggo pa.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 12


Source: Beautiful Feature

Post a Comment

0 Comments