Ang Parabula ng Dilang Mabulaklak
Mahusay na bokadura ang solusyon
Sa masamang balita:
Tulong sa tsuper ang umento sa pasahe,
Sabi ng mga di sumasabit sa bus o dyip—
“Mas maganda sa katawan ang magbisikleta.”
“Salamat at gumagana ang MRT, may libreng
Sakay pa, at may lakas pang maglakad!”
Magandang content ang biyahe sa blog.
Ayuda sa sa magsasaka ang mahal na bigas,
Sabi ng mga namamakyaw ng palayan—
“Mas mahusay sa kalusugan ang mag-diyeta.”
“Salamat at ang bawas sa pagkain, dagdag
Pang-shopping, at mainam sa mental health.”
Pang-Instagram din ang pagliliwaliw.
Pangangailangan ang humagilap ng dahilan,
Gaya ng binhi ng Cymothoa exigua sa karagatan:
Walang masamang tubig-dagat sa hasang,
Hangin ang hangin at kailangang mabuhay—
“Okay lang magtaas ng pamasahe, lahat tayo’y hirap.”
“Okay lang tumaas ang bilhin, doble kayod na lang.”
Gaya ng binhi na sa hasang namahay, gagapang
Ang pagtitiis sa puno ng dila, at doon sususo
Hanggang sa pagtanda: Magpapataba sa dugo
Ng dusang naging grasya, hirap na ginhawa:
“Ang mga nasa poder, hatid-sundo ng drayber”
—“Balang araw, makakaipon din ng pambili ng sasakyan!”
“Ang mga developer, may pa-raffle na bahay.”
—“Balang araw, makakalipad din at kikita ng dolyar!”
Matutuyot ang pangarap gaya ng dilang naluoy,
Walang kakirot-kirot, parang walang nangyari
Sasalisi ang magulang na C. exigua sa sugat na natuyo,
Walang kamalay-malay, parang walang nagbago
Hindi pumakla ang panlasa
—“Mapait pa rin ang kapalaran, pero kaya pa.”
Hindi sumangsang ang hininga
—“Inom ng tubig, mumog ng tibog, solb na.”
Hindi nalihis ang hilig
—“Yukod lang, ang nasa poder ang may alam.”
Hindi lumansa ang bibig
—“Magdildil man, basta parehas at marangal.”
Hindi nagsalita ng banyaga
—“Maririnig ba naman kapag nagreklamo?”
Dahil simula’t simula pa lamang
Kinain na ng dahilan ang dila:
Putulin man ito, walang silbi—
Bula lang din ang salita
Bulaklak pa rin ang diwa
Source: Beautiful Feature
0 Comments