Bunso si Boogie sa bahay ni Joonie.
At wala na siyang hahanapin pa:
Sa kanya ang buong kwarto,
Sa kanya ang lahat ng gamit,
Sa kanya lahat ng kayang tanawin,
Sa kanya lahat ng kayang talunin.
Sa parisukat na silid na ito,
Si Boogie ang hari at reyna
Lalo’t maghapong wala si Joonie
Siya rin ang bida at kontrabida
Sa maghapong pagtulog libreng
Managinip nang walang gigising
Sa maghapong paglalaro libreng
Manalo nang walang kokontra:
Wala na siyang mahihiling pa sana
Kung di lang sa pag-uwi ni Joonie
Pagkalag ng kandado,
Pagbukas ng pinto,
Pagpitik ng ilaw,
Simula na naman ang pitong bawal—
I
“Boogie, bawal lumabas!”
Kahit nasa labas pa ang sapatos ni Joonie
Kahit nagpapalit pa lang ng pambahay
Kailangan na agad niyang bumalik:
Kundi dudumi ang paa ay magpapasok ng putik
Kundi mahahawa ng sakit ay magdadala ng mikrobyo
Kundi aawayin ng dayo ay baka makasakit ng iba
“Alam ko po, saglit lamang!”
Sabay balik sa pintuan
Sabay tanaw sa kusina
Sabay pasok ng bahay
II
“Boogie, bawal mangulit!”
Kahit buong araw nanabik kay Joonie
Kahit maghapong napag-isa sa dilim
Kailangan na manahimik at mag-antay sa tabi:
Paano mawawalis kung hihiga sa alikabok
Paano malalampaso kung haharang sa basahan
Paano makakapaghanda kung tatalon sa lamesa
“Sige po, pero isang kiss po muna!”
Sabay iwas sa mga binti
Sabay talon sa estante
Sabay titig sa pagkain
III
“Boogie, bawal tumalon at bagong kain!”
Kahit busog na’t handang makipaglaro kay Joonie
Kahit puno na ulit ng lakas at sigla
Kailangan na magtimpi at magbagal ng galaw:
Kundi’y magsusuka at masasayang ang sustansya
Kundi’y magkakalat ng dumi at babaho ang bahay
Kundi’y gugutumin agad at sasama ang pakiramdam
“Tutulog ka na po kasi, di pa tayo naglalaro!”
Sabay titig anino sa dingding
Sabay hatak sa kordon ng charger
Sabay sipa palipad sa hanger
IV
“Boogie, bawal laruin ang di naman laruan!”
Kahit kaduda-duda ang silbi ng mga gamit ni Joonie
Kahit nakatambak lamang ito at bihirang magalaw
Kailangang iwasan at maghanap ng iba:
Nakakasugat ang thumbtacks at masisira ang laptop
Nakakadiri ang ipis at mahuhulog ang bentilador
Nakakalason ang gamot at mapupunit ang libro
“Saglit lang po’t mapapagod na rin nang kusa.”
Sabay lambitin sa nakasampay ng tuwalya
Sabay patihulog sa eskaparate ng de lata
Sabay tulak sa bote ng pampatak sa mata
V
“Boogie, bawal mangalmot!”
Kahit di naman siya pinuputulan ng kuko ni Joonie
Kahit napakasarap sa kuko ng gaspang ng balat at tela
Kailangang magtimpi at hindi masabik nang sobra:
Mabubutas ang plastic bag, di na masusuot ang polo
Magagasgas ang mga kahon, matatastas ang punda
Mababakbak ang sapatos, magsusugat ang hita
“Hindi ko lang po talaga mapigilan….”
Sabay sibad, dingding sa dingding, dulo sa dulo
Sabay talon, silap sa iskrin, aninag sa kalabog
Sabay bwelo, dapo sa damitan, matyag sa silid
VI
“Boogie, bawal mahulog pag oras ng pagtulog!”
Kahit mas maingay pa ang hilik ni Joonie
Kahit likas na tahimik ang bawat yapak at galaw
Kailangang maging maingat, lalo sa pagsampa:
Kundi mahulog ang exhaust, lalagabog sa sirang TV
Kundi gumuho ang tambak, tatapon ang basura
Kundi matabunan ang arinola, mababasa ang labada
“Saglit na lang po, tutulog na rin ako.”
Sabay dapa sa paper bag ng pinagsaluhang isda
Sabay hilata sa cellphone na nakasaksak
Sabay gulong sa malamig na baldosa
VII
“Bawal ka mawala, Boogie.”
Kahit tuwing umaga ay si Joonie ang laging umaalis
Kahit siya ang araw-araw binibilinan ng bahay
Kailangang gisingin niya si Joonie pagtunog ng alarm:
Paano’y gawa ng trabaho kaya may bubong at sustansya
Paano’y pataas nang pataas ang pamasahe’t bilihin
Paano’y kargo ng tao ang kakulangan ng pamahalaan
“Hindi ko po kayo maintindihan?”
Sabay titig nang matalim sa magulang na nananalangin
Sabay lambing sa paang pasuot na sa sapatos
Sabay hatid ng tingin sa pintong pasara na ulit
***
Sa parisukat na silid na ito,
Bawal lumabas
Dahil si Boogie ang hari at reyna
Bawal mangulit
Lalo’t maghapong wala si Joonie
Bawal tumalon nang bagong kain
Siya rin naman ang bida at kontrabida
Bawal laruin ang hindi naman laruan
Sa maghapong pagtulog libreng
Managinip nang walang gigising
Bawal mangalmot
Sa maghapong paglalaro libreng
Manalo nang walang kokontra
Bawal mahulog pag oras ng pagtulog
Wala na siyang mahihiling pa sana
Kung di lang sa pag-uwi ni Joonie
Pagkalag ng kandado,
Pagbukas ng pinto,
Pagpitik ng ilaw,
Bawal mawala
Lahok sa Saranggola Blog Awards 12
#SaranggolaBlogAwards12 #SBA12 #KuwentongPambata #Supil #HappeningPH
Source: Beautiful Feature
0 Comments